Sunday, May 15, 2016

PANGANGALAGA SA KALIKASAN




          Dapat isaalang-alang ang paggalang sa dignidad ng kapwa sa uri ng pamumuhay ng pamilya. Ang labis na kayamanan ay nakaeeskandalo kung ito ay walang pakundangang ipinangangalandakan sa harap ng mga taong minsan sa isang araw na lamang kumakain. Ang walang habas na pag-aaksaya, pamumuhay sa labis na karangyaan at luho ay paglabag sa tuntunin ng moralidad. Kaya nga mahalaga ang pagtuturo at pagsasabuhay ng simpleng uri ng  pamumuhay sa loob ng pamilya. Ayon nga kay Esteban (1989), ang pinakamalaking hadlang sa paglago ng tao at ng sangkatauhan ay ang labis na kahirapan ng isang bahagi ng lipunan at ang nakaeeskandalong karangyaan sa kabilang bahagi nito. Ang hindi pagkakapantay-pantay nito ay isang paglabag sa katarungang panlipunan. Tungkulin ng pamilya na sikaping maging pantay ang turing sa lahat ng tao anuman ang kalagayan sa buhay.

          Pantay-pantay ang tao sa mata ng Diyos. Nilikha ang mundo para sa lahat ng kaniyang nilikha. Hindi maaaring ng iilan ang hangin, tubig, at lupa. Ang tao ay tagapamahala lamang at hindi lubos na nagmamay-ari ng lupa , hangin, tubig, at iba pang nilikha ng Diyos sa mundo. Kaya nga ang pagkakaroon ng legal na karapatan sa pagmamay-ari ng alinman sa mga elementong ito ay dapat kalakip na paalala na ang mga tao ay kaloob ng Diyos at hindi likha ng tao. Samakatuwid, ang mga pagmamay-ari o tagapamahala ng lupain ay nararapat na isaisip ang kabutihan ng lahat ng tao sa paggamit nito. Ang hangin at tubig sa ating himpapawid at mga karagatan ay hindi sapat na abusuhin ng ilang tao, o maging nga mga industriya o korporasyon na karaniwang pagmamay-ari ng ilang mayayamang pamilya; bagkus dapat na gamitin para sa kabutihan ng lahat ng tao sa mundo. Kaya nga walang karapatan ang mga industriya na dumihan ang hangin ng maduming usok na galing sa kanilang mga pagawaan at dumihan ang mga ilog at dagat ng polusyong nakalalason sa tubig at pumapatay ng mga nabubuhay dito.

          Tungkulin ng pamilya ang pangangalaga sa kalikasan bilang likas na tagapamahala ng lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil sa tungkuling ito, nararapat na isulong nga pamilya ang mga proyektong nangangalaga sa kalikasan tulad ng Clean and Green Program na nagtataguyod ng mga proyektong tulad ng pagtatanim ng mga puno, paghihiwalay ng mga nnabubulok at di nabubulok na basura, ang 3R's (reduce,reuse,recycle), paglilinis ng mga kanal at daluyan ng tubig at marami pang iba.

Saturday, May 14, 2016

Bakit itinuturing na natural na institusyon ang pamilya?

 

  •   Ang pamilya ay pamayanan ng mga tao o community of persons na kung saan ang maayos na paraan ng pag-iral at pamumuhay ay nakabatay sa ugnayan. Ang pamilya ay mayroong misyon na bantayan , ipakita at ipadama ang pagmamahal. Ang pamilya ay isang mabuting pangangailangan ng lipunan (necessary good for society); kaya't kapag hindi ito iginalang, mapanira ang epekto nito sa lipunan sa kabuuan.

  •  Nabuo ang pamilya sa pagmamahal ng isang lalaki at babaeng nagpasyang magpakasal at magsama ng habangbuhay. Ang pagmamahal na namamagitan sa mag-asawa (conjugal love) ay nakapagbibigay buhay (dahil nakatakda ito sa pagkakaroon ng anak), kaya patungo ito sa pagmamahal ng magulang (paternal love).

  • Ang pamilya ang una at pinakamahalagang yunit ng lipunan. Ito ang pundasyon ng lipunan at patuloy na sumusuporta rito dahil sa gampanin nitong magbigay buay. Mahalaang maging bukas ang pamilya sa kapwa pamilya at maayos na gampanan ng bawat kasapi nito ang kanilang tungkulin sa lipunan.


  • Ang pamilya ang orihinal na paaralan ng pagmamahal. Ang ugnayang dugo (another self), may dignidad at karapatang mahalin dahil sa pagiging tao niya at hindi sa kung anong mayroon siya (halimbawa, kapangyarihan, kagandahan, o talento.) Hindi ito kumikilos batay sa prinsipyo ng paggamit lamang (principle of utility).

  •  Ang pamilya ang una at hindi mapapalitang paaralan para sa panlipunang buhay (the first and irreplaceable source of social life). Ang paggalang at pagpapatatag ng dignidad ng bawat kasapi ng pamilya ay nagiging batayan upang ang malayang pagbibigay sa iba ay buong pusong tanggapin at magkaroon ng pagakakaisa. Iginagalang ng bawat isa ang dignidad ng kapwa miyembro, kaya't ang malayang pagbibigay ai ipinakikita sa taos-pusong pagtanggap, paglilingkod, diyalogo, malalim na pagkakaisa, at pagtutulungan.

"Sa aking mga magulang ay natutuhan ko ang pagmamalasakit sa kapwa, ang pagiging matipid, at ang pamumuhay ng simple. Sa aking ama, natutuhan ko na ang pangangalaga sa integridad ng aking pagkatao at ang karangalan ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat."

- Dating Kalihim Jesse Robredo

  • May panlipunan at pampolitikal na gampanin ang pamilya. Kasama sa panlipunang tungkulin ng pamilya ang gampaning politikal tulad ng pagbabantay sa ma batas at institusyong panlipunan - kung ang mga ito ay sumusuporta sa ipinagtatanggol ang mga karapatan at tungkulin ng pamilya. Kaya may pananagutan ang pamilya na baguhin ang lipunan sa pamamagitan pakikisangkot sa mga isyu at usapin - at hindi nakatuon sa kapakanan ng sariling pamilya lamang.  

  • Mahalagang misyon ng pamilya ang paggabay sa mabuting pagpapasya, at paghubog ng pananampalataya. Ang mga pagpapahalagang maitatanim sa puso ng anak ang siyang magtuturo sa kaniya na maging maingat at maayos sa kaniyang mga pagpapasya. Ngayong nahaharap sa mga nagatibong impluwensiya ang mga kabataan, mahalagang taglay nila ang mga pagpapahalagang kailangan para sa maingat na pagpapasiya.


PAGTUTULUNGAN NG PAMILYA

          Ang pagtutulungan ay natural ding dumadaloy sa pamilya sapagkat kaligayahan ng bawat kasapi na makitang nasa mabuting kalagayan ang buong pamilya. Kilala ang Pamilyang Pilipino sa pagkalinga sa kanilang mga anak. Palaging nakahandang tumulong ang mga miyembro sa oras ng pangangailangan ng bawat isa. Sa ating bansa, likas ang pag-aaruga sa nakakatanda. Hindi hinahayaan ang ina o amang tumatanda na maiwan sa nursing home katulad ng mga dayuhan bagkus sila ay aalagaan hanggang sa huling yugto ng kanilang buhay. Hind man maalagaan ng lahat ng mga anak ay patuloy ang pagtulong pinansiyal ng ilan. Katulad ng ibang mga pagpapahalaga, ito rin ay itinanim ng mga magulang sa kanilang mga anak. Mula pa nang sila ay maliliit sinasanay na sa pagahahati-hati ng mga gawaing bahay, binibigyan ng tungkulin ang mga mas nakatatandang kapatid sa kanilang nakababatang kapatid, at nagtutulungan ang bawat isa sa kanilang mga takdang-aralin