Sunday, May 15, 2016

PANGANGALAGA SA KALIKASAN




          Dapat isaalang-alang ang paggalang sa dignidad ng kapwa sa uri ng pamumuhay ng pamilya. Ang labis na kayamanan ay nakaeeskandalo kung ito ay walang pakundangang ipinangangalandakan sa harap ng mga taong minsan sa isang araw na lamang kumakain. Ang walang habas na pag-aaksaya, pamumuhay sa labis na karangyaan at luho ay paglabag sa tuntunin ng moralidad. Kaya nga mahalaga ang pagtuturo at pagsasabuhay ng simpleng uri ng  pamumuhay sa loob ng pamilya. Ayon nga kay Esteban (1989), ang pinakamalaking hadlang sa paglago ng tao at ng sangkatauhan ay ang labis na kahirapan ng isang bahagi ng lipunan at ang nakaeeskandalong karangyaan sa kabilang bahagi nito. Ang hindi pagkakapantay-pantay nito ay isang paglabag sa katarungang panlipunan. Tungkulin ng pamilya na sikaping maging pantay ang turing sa lahat ng tao anuman ang kalagayan sa buhay.

          Pantay-pantay ang tao sa mata ng Diyos. Nilikha ang mundo para sa lahat ng kaniyang nilikha. Hindi maaaring ng iilan ang hangin, tubig, at lupa. Ang tao ay tagapamahala lamang at hindi lubos na nagmamay-ari ng lupa , hangin, tubig, at iba pang nilikha ng Diyos sa mundo. Kaya nga ang pagkakaroon ng legal na karapatan sa pagmamay-ari ng alinman sa mga elementong ito ay dapat kalakip na paalala na ang mga tao ay kaloob ng Diyos at hindi likha ng tao. Samakatuwid, ang mga pagmamay-ari o tagapamahala ng lupain ay nararapat na isaisip ang kabutihan ng lahat ng tao sa paggamit nito. Ang hangin at tubig sa ating himpapawid at mga karagatan ay hindi sapat na abusuhin ng ilang tao, o maging nga mga industriya o korporasyon na karaniwang pagmamay-ari ng ilang mayayamang pamilya; bagkus dapat na gamitin para sa kabutihan ng lahat ng tao sa mundo. Kaya nga walang karapatan ang mga industriya na dumihan ang hangin ng maduming usok na galing sa kanilang mga pagawaan at dumihan ang mga ilog at dagat ng polusyong nakalalason sa tubig at pumapatay ng mga nabubuhay dito.

          Tungkulin ng pamilya ang pangangalaga sa kalikasan bilang likas na tagapamahala ng lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil sa tungkuling ito, nararapat na isulong nga pamilya ang mga proyektong nangangalaga sa kalikasan tulad ng Clean and Green Program na nagtataguyod ng mga proyektong tulad ng pagtatanim ng mga puno, paghihiwalay ng mga nnabubulok at di nabubulok na basura, ang 3R's (reduce,reuse,recycle), paglilinis ng mga kanal at daluyan ng tubig at marami pang iba.

No comments:

Post a Comment